Sunday, May 15, 2011

Si Juan dela Cruz sa ‘Branded’ na Pilipinas


Pagkagising sa umaga, ika’y naligo at naghanda para sa pagpasok. Hindi ka nag-almusal sa inyong tahanan dahil may dadaanan ka namang Starbucks kung saan ka bibili ng paborito mong Java Chip Venti at cinnamon roll. Dumating ang tanghali, naramdaman mo ang kalam ng iyong sikmura at naisipang kumain sa Flavors of China. Naalala mong malapit na ang thesis defense ninyo kaya bumili ka ng bagong bestida sa Folded and Hung. Pauwi ka na nang maisip mong bilihan ng pasalubong ang iyong ina kaya bumili ka ng doughnuts sa Krispy Kreme at pizza sa Joey Pepperoni. Nakasakay ka na ng dyip. Kinapkapan mo ang sarili upang maghanap ng barya ngunit wala kang nakita. Wala ka na palang pera.


Ito ang kadalasang senaryo sa Pilipinas ngayon. Patuloy ang mga Pilipino sa pagtangkilik ng ‘branded’ na mga produkto habang nagkakaroon ng debalwasyon sa piso. Mas yumayaman ang mga mayayaman nang mga bansa habang patuloy na bumababa ang halaga ng piso at papalubog ng papalubog ang ‘Pinas.

Noon pa man ay mahilig na talagang tumangkilik ng imported ang mga Pilipino. Dala ng kolonyalismo, westernisasyon, pananakop at globalisasyon, unti-unting nilamon ng mga branded na produkto ang sistema ng pamilihan sa Pilipinas. Napalago nito ang Gross National Product ng ating bansa, nakapagdagdag ng trabaho, nakapagbigay ng mas maraming pagpipilian sa mga mamimili ngunit ito rin ang pumilay sa umuusbong na nasyonalismo at lumason sa  walang-kamalayang Pilipino.

Bakit nga ba bumibili ng imported ang mga Pinoy?

Friday, April 22, 2011

Dilim sa Likod ng Makulay na Mundo ni Pink

"Isa lang naman po ang aking pinanghihinayangan sa oras na ito: Hindi ang pagiging kasapi ng ikatlong lahi ngunit ang pagiging masaya sa likod ng mga luha. Opo, ako, kaming mga bading ay masasabing mapanlinlang ngunit hindi sa pakikisalamuha sa mga tao kundi sa pagkukubli ng aming mga tunay na damdamin. Masaya po ako ngayon ngunit sa likod ng makukulay na ngiti ay nagkukubli ang isanlibo't-isang sugat, pait at hapdi. May panghihinayang, ngunit walang pagsisisi."
Photo credits: ilovecoolthings.blogspot.com; Copy by Vberni 

Ito ang sagot na tumatak sa aking isipan habang nanonood ako ng patimpalak para sa ikatlong lahi kamakailan. Isang simpleng tanong na
"Ano ang iyong pinanghihinayangan ngayon sa iyong buhay?" Napalamlam ng karanasan, napabulaklak ng tunay na dahilan at napatamis ng walang takot na pagkatao: iyan si Pink, isang baklang byukonera (pang., isang vahkler na mahilig sumali sa beauty contest o byukon. BYUKONERA, bow!) ngunit naghahanap pa rin ng tamang puwang sa daigdig. Gaya ng buong sangkabaklaan, hindi mo rin makikitang nakasimangot si Pink. Laging nakangiti ang kanyang pinapulang labi at pirming may bitbit na "Be happy!" Wala kang maririnig na reklamo gaano man kahirap ang kanyang dinadala. Masaya siya... SABI NIYA.



Saturday, April 16, 2011

STOPOVER

Masasabi kong ito ay isa sa aking orihinal na obra. Nailathala ko na rin ito sa aking lumang blog at dahil hindi ko na ito ma-access, ipopost ko siyang muli rito.

Mula sa kitsch.wordpress.com
18 Mayo 2010
---



PANGASINAN ang probinsya namin. Oo, napakalayo sa Maynila dahil limang oras ang biyahe (‘yan eh kung may pambayad ka sa toll fee ng NLEx) o mahigit sa anim na oras (kung walang pera o nagpapaka Marie Curie-pot). Ilang beses na rin akong pabalik-balik sa lugar na iyon, at saksi ako sa ilang pagbabagong naganap dito. Sabihin na nating masarap pumunta sa probinsya, pero mahirap bumiyahe. Sa aking palagay, kaya bihirang umuwi ang mga taga-Maynila sa kanilang hometown eh dahil na rin sa distansya at sa haba ng oras na gugugulin sa loob ng kahong umaandar.
Dahil sa limang oras ang bubunuin para makarating sa aming patutunguhan, naghahanap din kami ng lugar kung saan pwedeng huminto para kumain, maglabas ng sama ng loob at para na rin masagot ang tawag ni Kalikasan. Madalas kaming mapahinto sa gasolinahan kung saan kumpleto na: silya, CR, bilihan ng pagkain. Magpapalipas ng ilang minuto at aandar nang muli. At least ay napahinga ang aming puwitan, dahil posible naming mabutas ang aming kinauupuan.

Friday, March 25, 2011

Grades.

GRADES.


Natapos na ang ikalawang semestre sa taong pampanuruang 2010-2011. Matapos ang lahat ng paghihirap sa pagkumpleto ng mga final requirements para sa ikagaganda ng aming mga marka ay malapit nang magsimula ang aming buhay sa ikalawang taon sa Pamantasan, ngunit hindi ito ang sentro ng aking tala para sa ngayon. 


Kanina lamang ay nakumpleto na ang aking mga class cards para sa ikalawang semestre. Magkahalong tuwa, inis at kaunting frustration ang aking naramdaman sa dahilang alam ko.