Friday, January 30, 2015

MULA SA AMING 44 : A Letter from the #Fallen44

Sa mahal naming mga Pilipino,

Hindi madali ang mundong aming tinahak. Minsan kami mismo ay napapaisip kung tama ba ang napili naming propesyon, o bokasyon. Maaari naman kaming maging mabuting tao sa ibang paraan – pwedeng maging pilontropo, o guro, o simpleng tao. Pero pinili namin ang mapabilang sa kung saan kami naroroon ngayon, hindi dahil gusto naming maging bayani, kundi dahil nais naming maging tao – tao na handang ibuwis ang lahat: pamilya, kaibigan, kaligayahan, sariling buhay.

Pero kagaya ng pagiging tao, mayroon rin kaming kahinaan. Mga kahinaang kami lang sa grupo ang nakakaalam sapagkat ang aming imahe sa karamihan ay macho, brusko, kinatatakutan. Hindi kami maaaring magpakita ng kaunting takot, sapagkat sa aming tapang nakasalalay ang kahihinatnan ng bawat operasyon, ng bawat engkwentro. Hindi kami maaaring panghinaan ng loob sapagkat sa aming katatagan umaasa ang hinaharap ng bayan.

Madalas ikinukubli namin ang takot, lungkot, at pangamba sa aming mga uniporme, o iniiwan sa kampo, o binabaon sa kanto ng sintido para magampanan ang tungkuling aming sinumpaan: To serve and Protect. Para sa amin, mas mahalaga ang maipagtanggol ang ating bayan mula sa mga nais sumira ng kaayusan at kapayapaan.

Napakaraming sakripisyo ng aming trabaho, pero hindi namin ito alintana, mapagsilbihan lamang kayo. Kung ang halaga ng pagpapanatili ng kapayapaan para sa kasalukuyan at kinabukasan ay ang aming buhay, walang pag-aatubili naming ibubuwis ito.

Hindi kami ang una, hindi rin namin sigurado kung kami na ang huling mawawala mula sa isang engkwentro. Hindi namin sigurado kung saan patungo ang prosesong pangkapayapaan lalo pa ngayong nangyari ang isang madugong sagupaan sa pagitan namin at ng mga dapat sana’y aming mga kakampi mula doon sa sulok ng Mamasapano sa Maguindanao. Hindi namin alam kung karapat-dapat ba ang aming pagkawala gayong napakaraming tanong at agam-agam.

Gayunpaman, salamat sa pagturing sa amin bilang mga bagong bayani. Salamat sa medalya at plake ng katapangan na inyong ibinigay sa bawat isa sa aming miyembro ng binansagang “Fallen 44.” Pero ngayong wala na kami, at may naiwan kaming pamilya at responsibilidad, nawa’y mapakinggan ninyo ang aming mga munting kahilingan.

Sana ay mabigyan ng hustisya ang aming pagsasakripisyo, sapagkat wala nang mas sasakit pa sa isang kamatayang napakalabo (o walang) ng dahilan. Sana ay mapabilis ang paghahanap ng buong katotohanan, dahil mas nahihirapan ang aming pamilya na magpatuloy sa buhay nang hindi nakakamit ang inaasam nilang hustisya sa likod ng madugong bakbakan.

Sa aming asawa at mga pamilya, sana ay lagi ninyong ikwento ang aming istorya sa ating mga anak at magiging anak, sa aming mga kapatid, at sa mga susunod na henerasyon. Lagi ninyong ikwento ang kagandahan ng buhay na inilaan para sa bayan. Ituro ninyo sa kanila ang tamang uri ng pag-ibig – ang pag-ibig na hindi lamang para sa sarili kundi para sa nakararami; ang pag-ibig na kayang ibigay ang lahat para sa pangarap. ‘Wag sana ninyo kaming ibaon sa limot, sapagkat kung may mas masakit sa kamatayan, ito ay ang makalimutan.

Sa aming mga kadre, mga kapwa nagseserbisyo para sa bansa, sana ay huwag kayong matakot magpatuloy. Sana ay huwag kayong panghinaan ng loob na gawin ang inyong sinumpaang tungkulin, gaano man ka-delikado o kawalang kasiguruhan ang ating gingawa para sa bayan. Sa aming pagkawala, hindi namin alam kung makakamit ba ang kapayapaang ating inaasam, o kung mahuhuli ba ang mga may kasalanan sa batas, pero alam naming namatay kaming lumalaban. Serve and Protect lang, mga tropa.

Sa kabataan, sana ay huwag kayong matakot na tahakin ang landas tungo sa magandang bukas. Gumawa kayo ng mga bagay na may kabuluhan, sa paanong paraan man na inyong makakayanan. Sana ay tulungan ninyo ang aming hanay sa paggawa ng pagbabago, sapagkat hindi namin ito mararating kung kami lamang. Kailangan namin ng tulong ninyo, bilang mga taong punong-puno ng ideyalismo at pangarap. Samahan ninyo kami sa aming paglalakbay tungo sa mapayapang Pilipinas.

Sa sambayanan, sana ay maging mabuti kayong halimbawa sa mga susunod pang henerasyon. Tama na ang sisihan, panahon na para gumawa ng paraan. Patunayan ninyong hindi sayang ang aming buhay sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa aming nasimulan. Sana ay magkaisa kayong lahat sa hangaring maayos ang ating sambayan. Isa lang ang Pilipinas, kaya’t sana’y magkaisa ang mga Pilipino – walang babae o lalaki, walang buo o kalahati, walang Muslim o Kristiyano.

Hindi kami ang unang nagsakripisyo, ngunit sana, kami na ang huli.

Sana.


Para sa bayan,

#Fallen44

No comments:

Post a Comment