Friday, September 30, 2011

Isandaang Salita para kay V (Sa Huling Pagkakataon)


Hindi sapat ang mga salita para malaman mong ako ay nangungulila nang mawala ka. Inangkin kita sa aking isipan, walang kaagaw. Natakot ka sa maaaring mangyari kaya pinili mong lumayo. Kinalimutan na lang rin kita.

Wala akong reklamo. Masaya na ako. Napalaya ka na ng mapagpanakop kong puso. Natuto nang tumibok ang puso ko kahit wala pang laman ito.

Wala ka na sa puso ko, pero walang automatic erase sa alaala. Nasa utak ko pa ang latak ng iyong pagkatao.

Kung magtagpo man tayo muli, makikilala kita. Hindi ko lang alam kung ikaw pa rin ba iyong dati.

Salamat lang.

Sunday, August 21, 2011

Fast Post: Paano mo masasabing Kabataan pa rin ang Pag-asa ng bayan?

Kabataan ang pag-asa ng bayan. 
-Gat Jose Rizal


Mabigat? Oo. Mahirap? Hindi.

Bawat kabataan ay may responsibilidad sa lipunan, lalo na 'yung binigyan ng tamang talento, antas ng pamumuhay, tapang, at talino. Pero bakit parang walang alam ang kabataan?


Kasi walang daan para malaman nila ito.


Ito ang naging paniniwala ko. base na rin sa aking karanasan, hindi ko malalamang may mga lugar pala kung saan maaari mong i-practice ang iyong kakayanan upang makibahagi, maglingkod, at makialam sa lipunan. Saan? World Vision.


Setyembre 2009 nang ako ay magsimula sa World Vision, kasagsagan ng bagyong Ondoy nang maisipan ng aming klase na makibahagi. Masaya ako. Masaya sila. Higit sa saya, alam kong fulfilled kaming lahat. Lalo na ako-- kaya tinuloy ko na hanggang sa ngayon.

2010. Ginanap ang 12-hour Famine. Isa itong programa ng world Vision kung saan labindalawang oras kang hindi kakain para sa kabataan. Marami ang nakilahok, halos lahat ay kabataan. Hindi ako nakapunta sapagkat mayroon kaming exams noong panahon na iyon, ngunit ang sabi ko sa aking sarili: Umaalab na ang matinding pagnanasa ng kabataan sa pagbabago. 


2011. Simula noong Pebrero, nagkaroon ng orientation para sa gaganaping 12 hour Famine para sa taong ito. Mapalad ako sapagkat isa ako sa pitong taong unang na-orient tungkol sa magiging event. Masasabi kong nag-enjoy ako, at natuto.

Nakaka-limang batches na ang Famine Oreintations ngayon. Nailabas na ang bagong logo ng WV Famine. Marami pang susunod. Ayoko lang sabihin sa inyo kung gaano kasaya, kasi kailangan kayo mismo ang makaranas. 


O siya, punta kayo, sa Famine. Masaya.

Saturday, August 13, 2011

Para kay V



Tuldok.
            Sino’ng mag-aakalang magkakaroon ng katapusan ang bagay na hindi pa nasisimulan? Paano ba malalaman kung tapos na ito?  Dito nga ba nagwawakas ang mga bagay sa mundo o hudyat lamang ito ng panibagong simula? At sino ba ang nakaimbento ng pagmamahal?
            “Hindi mabilis mapagod ang puso. Lahat ng sakit, hapdi at pait, kaya nitong tiisin. Kasi mahal mo ‘yung tao at gagawin mo ang lahat para maramdaman niya ito,”
Ito ang sabi sa akin ng aking kaibigan noong mga panahong nagkausap kami nang masinsinan tungkol sa aming mga nararamdaman at ilang mga kwentong katangahan.

Tuesday, July 26, 2011

Cinemalaya: Busong

Busong Poster during the Director's Fortnight in Cannes Film Fest
Bago ang lahat, nais kong sabihin na para sa akin, ang poster ng Busong ang pinakamagandang poster sa lahat.

Ano ang epekto ng modernisasyon sa isang mundong umiikot sa pagmamahal sa kultura? Hanggang saan ang iyong makakayang gawin upang mapanatili ang kulturang iyong kinagisnan? Totoo bang lahat ay may busong? At ano na nga ba ang Palawan sa kasalukuyan?