Friday, April 22, 2011

Dilim sa Likod ng Makulay na Mundo ni Pink

"Isa lang naman po ang aking pinanghihinayangan sa oras na ito: Hindi ang pagiging kasapi ng ikatlong lahi ngunit ang pagiging masaya sa likod ng mga luha. Opo, ako, kaming mga bading ay masasabing mapanlinlang ngunit hindi sa pakikisalamuha sa mga tao kundi sa pagkukubli ng aming mga tunay na damdamin. Masaya po ako ngayon ngunit sa likod ng makukulay na ngiti ay nagkukubli ang isanlibo't-isang sugat, pait at hapdi. May panghihinayang, ngunit walang pagsisisi."
Photo credits: ilovecoolthings.blogspot.com; Copy by Vberni 

Ito ang sagot na tumatak sa aking isipan habang nanonood ako ng patimpalak para sa ikatlong lahi kamakailan. Isang simpleng tanong na
"Ano ang iyong pinanghihinayangan ngayon sa iyong buhay?" Napalamlam ng karanasan, napabulaklak ng tunay na dahilan at napatamis ng walang takot na pagkatao: iyan si Pink, isang baklang byukonera (pang., isang vahkler na mahilig sumali sa beauty contest o byukon. BYUKONERA, bow!) ngunit naghahanap pa rin ng tamang puwang sa daigdig. Gaya ng buong sangkabaklaan, hindi mo rin makikitang nakasimangot si Pink. Laging nakangiti ang kanyang pinapulang labi at pirming may bitbit na "Be happy!" Wala kang maririnig na reklamo gaano man kahirap ang kanyang dinadala. Masaya siya... SABI NIYA.



Saturday, April 16, 2011

STOPOVER

Masasabi kong ito ay isa sa aking orihinal na obra. Nailathala ko na rin ito sa aking lumang blog at dahil hindi ko na ito ma-access, ipopost ko siyang muli rito.

Mula sa kitsch.wordpress.com
18 Mayo 2010
---



PANGASINAN ang probinsya namin. Oo, napakalayo sa Maynila dahil limang oras ang biyahe (‘yan eh kung may pambayad ka sa toll fee ng NLEx) o mahigit sa anim na oras (kung walang pera o nagpapaka Marie Curie-pot). Ilang beses na rin akong pabalik-balik sa lugar na iyon, at saksi ako sa ilang pagbabagong naganap dito. Sabihin na nating masarap pumunta sa probinsya, pero mahirap bumiyahe. Sa aking palagay, kaya bihirang umuwi ang mga taga-Maynila sa kanilang hometown eh dahil na rin sa distansya at sa haba ng oras na gugugulin sa loob ng kahong umaandar.
Dahil sa limang oras ang bubunuin para makarating sa aming patutunguhan, naghahanap din kami ng lugar kung saan pwedeng huminto para kumain, maglabas ng sama ng loob at para na rin masagot ang tawag ni Kalikasan. Madalas kaming mapahinto sa gasolinahan kung saan kumpleto na: silya, CR, bilihan ng pagkain. Magpapalipas ng ilang minuto at aandar nang muli. At least ay napahinga ang aming puwitan, dahil posible naming mabutas ang aming kinauupuan.