Saturday, April 16, 2011

STOPOVER

Masasabi kong ito ay isa sa aking orihinal na obra. Nailathala ko na rin ito sa aking lumang blog at dahil hindi ko na ito ma-access, ipopost ko siyang muli rito.

Mula sa kitsch.wordpress.com
18 Mayo 2010
---



PANGASINAN ang probinsya namin. Oo, napakalayo sa Maynila dahil limang oras ang biyahe (‘yan eh kung may pambayad ka sa toll fee ng NLEx) o mahigit sa anim na oras (kung walang pera o nagpapaka Marie Curie-pot). Ilang beses na rin akong pabalik-balik sa lugar na iyon, at saksi ako sa ilang pagbabagong naganap dito. Sabihin na nating masarap pumunta sa probinsya, pero mahirap bumiyahe. Sa aking palagay, kaya bihirang umuwi ang mga taga-Maynila sa kanilang hometown eh dahil na rin sa distansya at sa haba ng oras na gugugulin sa loob ng kahong umaandar.
Dahil sa limang oras ang bubunuin para makarating sa aming patutunguhan, naghahanap din kami ng lugar kung saan pwedeng huminto para kumain, maglabas ng sama ng loob at para na rin masagot ang tawag ni Kalikasan. Madalas kaming mapahinto sa gasolinahan kung saan kumpleto na: silya, CR, bilihan ng pagkain. Magpapalipas ng ilang minuto at aandar nang muli. At least ay napahinga ang aming puwitan, dahil posible naming mabutas ang aming kinauupuan.
Marahil ito ang kulang sa akin. Kulang nga siguro ako sa stop-over. Dahil nga sa kulang ako nito, ito na rin ang hinahanap ko ngayon, kung kailan ko labis na kailangan.
Madalas akong magkaroon ng gusto o paghanga sa isang tao. Hindi ako mapanglihim sa kung ano ang nararamdaman ko kaya madalas, PLAK! halos masadsad na ang kahihiyan ko sa lusak.
Effortful ako.Daig ko pa ang uminom ng sampung Multivitamins sa energy para gawin ang sarili kong ritwal ng pag-ibig: ise-search sa facebook o sa kung anong social networking site ang pangalan, hihintaying tanggapin ang aking imbitasyon ng ‘pagkakaibigan’, mag-i-initiate ng usapan sa facebook chat, kikilalanin at kukunin ang loob, at makalipas ang ilang araw ay magtatapat ng simbuyo ng damdamin. Sa parehong araw ng pagtatapat ay guguho ang tore ng climax at matatagpuan akong luhaan, sugatan.
Naniniwala naman akong hindi sakit ang pagiging homosexual, pero tila ito na ang nakakintal sa isipan ng maraming tao kaya’t nauuwi kami sa hapis at dusa, tila isang pabigat sa mundong ginagalawan at parang wala nang espasyo sa kasalukuyan. TAO KAMI. Nagmamahal, lumalaban, nasasaktan, pero nakakapagod nang ulitin ang tatlong salitang pwede nang ipalit sa katagang “Reduce, reuse, recycle”. Tatlong makapangyarihang salita na tila nakapaloob sa isang siklo sa buhay at puso ninuman: Magmahal, lumaban, masaktan. Isa ako sa susukong biktima ng siklong ito.
Naisip ko na rin sa wakas na huminto muna. Mag stop-over, para makahinga rin ng maluwag, makakain ng maayos at mapokus sa buhay-kolehiyo. TAMA. Pipiliin ko ang aking prayoridad, at nasa hulihan na ng listahan si Kupido. Kung totoo ang tadhana, hahayaan ko na lamang na siya ang gumawa ng paraan para makita ko ang taong para sa akin. Magla-lie-low muna ako at magpapakatamad sa larangan ng pag-ibig.
IKAW,GUSTO MONG MAG STOP-OVER? SUBUKAN MO, MASAYA.
because love is in your mind, ONLY in your mind.
-hash.
1:03AM

No comments:

Post a Comment