Friday, April 22, 2011

Dilim sa Likod ng Makulay na Mundo ni Pink

"Isa lang naman po ang aking pinanghihinayangan sa oras na ito: Hindi ang pagiging kasapi ng ikatlong lahi ngunit ang pagiging masaya sa likod ng mga luha. Opo, ako, kaming mga bading ay masasabing mapanlinlang ngunit hindi sa pakikisalamuha sa mga tao kundi sa pagkukubli ng aming mga tunay na damdamin. Masaya po ako ngayon ngunit sa likod ng makukulay na ngiti ay nagkukubli ang isanlibo't-isang sugat, pait at hapdi. May panghihinayang, ngunit walang pagsisisi."
Photo credits: ilovecoolthings.blogspot.com; Copy by Vberni 

Ito ang sagot na tumatak sa aking isipan habang nanonood ako ng patimpalak para sa ikatlong lahi kamakailan. Isang simpleng tanong na
"Ano ang iyong pinanghihinayangan ngayon sa iyong buhay?" Napalamlam ng karanasan, napabulaklak ng tunay na dahilan at napatamis ng walang takot na pagkatao: iyan si Pink, isang baklang byukonera (pang., isang vahkler na mahilig sumali sa beauty contest o byukon. BYUKONERA, bow!) ngunit naghahanap pa rin ng tamang puwang sa daigdig. Gaya ng buong sangkabaklaan, hindi mo rin makikitang nakasimangot si Pink. Laging nakangiti ang kanyang pinapulang labi at pirming may bitbit na "Be happy!" Wala kang maririnig na reklamo gaano man kahirap ang kanyang dinadala. Masaya siya... SABI NIYA.




Mahilig sabihin ng mga faghag, metrosexual, pamhinta, byukonera, iskwala, pasosyal at paintelektwal ang katagang "Masaya ako." Dalawang salitang tumatabing sa katotohanan ng mapanghusgang daigdig. Isang katagang pumipiring sa pangangailangan ng ikatlong lahi sa iisang mundo. Noon pa man, iisa ang hiling ng buong gay community hindi lamang sa pamahalaan kundi sa kapwa tao: ang kumpletong pagtanggap sa kung ano sila. uhaw na uhaw sila sa respeto na kahit kailan naman ay hindi talaga dapat ipinagkakait kaninuman.

Silang mga beki ay tanggap naman daw sa bansa. Pantay-pantay naman daw sa karapatan ang mga Pilipino kahit na wala pang espesyal na batas na sumasaklaw sa kahit sinong grupo: diretso man o liko. May respeto pa ba sa likod ng mga mapanlait na halakhak ng mga chismoso't chismosa sa kanilang pagdaan? Pantay-pantay bang masasabi ang mga tao sa karapatan kung ang mga pangungutya ay hinahayaan?

Paano ba ang daang matuwid sa mga tabinging pilit pinagtatago sa likod ng tabing? Saan ba ang tamang sulok na dapat kalagyan ng mga lahing Rosas? Napakaraming katanungan ngunit tila may scarcity sa kasagutan. Isa lang naman ang kanilang kailangan: tunay at pantay na karapatan.

Sa mas malalim na pananaw, masasabing tanggao si Pink sa demokratikong bansang Pilipinas, ngunit ang pagtanggap na ito ay labis ang limitasyon. Kailanman, hindi dapat kinukulong ang ibong humihiling ng totoong kalayaan, repeto at pagkakapantay-pantay.


Karapatan...Respeto...Pagtanggap.




"Hindi po kami ang mahihirapan kung hindi man ninyo kami tanggapin. Wala po kaming ginagawang masama kaya't wala kaming nararamdamang takot sa bawat hampas ng aming balakang. Ito po ang isa sa ironiya sa buhay nating mga tao. Kung sino pa po ang walang sala ay siya pang ating pinagkakanulo ngunit sila, silang mga magnanakaw, drug pushers, money launderers, ang ating kinakampihan. Ganito po ba ang pamantayan sa makabagong panahon?"

1 comment: