Pagkagising sa umaga, ika’y naligo at naghanda para sa pagpasok. Hindi ka nag-almusal sa inyong tahanan dahil may dadaanan ka namang Starbucks kung saan ka bibili ng paborito mong Java Chip Venti at cinnamon roll. Dumating ang tanghali, naramdaman mo ang kalam ng iyong sikmura at naisipang kumain sa Flavors of China. Naalala mong malapit na ang thesis defense ninyo kaya bumili ka ng bagong bestida sa Folded and Hung. Pauwi ka na nang maisip mong bilihan ng pasalubong ang iyong ina kaya bumili ka ng doughnuts sa Krispy Kreme at pizza sa Joey Pepperoni. Nakasakay ka na ng dyip. Kinapkapan mo ang sarili upang maghanap ng barya ngunit wala kang nakita. Wala ka na palang pera.
Ito ang kadalasang senaryo sa Pilipinas ngayon. Patuloy ang mga Pilipino sa pagtangkilik ng ‘branded’ na mga produkto habang nagkakaroon ng debalwasyon sa piso. Mas yumayaman ang mga mayayaman nang mga bansa habang patuloy na bumababa ang halaga ng piso at papalubog ng papalubog ang ‘Pinas.
Noon pa man ay mahilig na talagang tumangkilik ng imported ang mga Pilipino. Dala ng kolonyalismo, westernisasyon, pananakop at globalisasyon, unti-unting nilamon ng mga branded na produkto ang sistema ng pamilihan sa Pilipinas. Napalago nito ang Gross National Product ng ating bansa, nakapagdagdag ng trabaho, nakapagbigay ng mas maraming pagpipilian sa mga mamimili ngunit ito rin ang pumilay sa umuusbong na nasyonalismo at lumason sa walang-kamalayang Pilipino.
Bakit nga ba bumibili ng imported ang mga Pinoy?
Una, nakulong na tayo sa kahon ng kolonyalismo. kinain na ng colonial mentality ang ating sistema at buong pagkatao. Ayos lang sa atin kahit mahal at hindi rasonable ang presyo ng ating mga binibili hangga’t nakakasunod tayo sa kung ano ang in. Dedma na sa atin ang Chocnut na mamiso dahil meron namang Hershey’s na dalawandaang ulit ang presyo sa nauna.
Ikalawa, nakakaramdam tayo ng ibang tuwa kapag nakakabili ng signature brands. Nagkakaroon tayo ng di-maipaliwanag na kasiyahan sa bawat bili natin ng tig-dadalawang daang pisong frozen yogurt o kung ano pa man. Samakatuwid, isinasaalang-alang natin ang ating kasiyahan sa mga bagay na dapat pa nga nating panghinayangan. Wala tayong pakialam kung mahal man ang ating binibili hangga’t ang bagay na ito ang sa ati’y nagpapangiti.
Ikatlo, napapataas ng imported products ang kumpiyansa natin sa ating mga sarili. Nagkakaroon ng stereotyping kapag ang isa ay nakakabili ng Le Jean de Marithé Francois Girbaud at ang isa ay DiviDress lang ang nakakayanan. Nagiging hayagan ang diskriminasyon sa estado ng buhay dahil sa mga produktong ito. Marami ang nagkakaroon ng mentalidad na “Mahirap ako” dahil lamang hindi nila kayang bumili ng damit na hihigit sa Tatlong daang piso. Samakatuwid, isang napakalaking salik sa nasyonalismo ang liberalisasyong itinuro ng ‘Tate.
Ikaapat, nakaukit na sa sikolohiyang Pilipino ang salitang ‘wow’ kapag nakakakita ng kakaibang bagay. Kapag may nakitang Louis Vuitton sa kaklase, kadalasan mong maririnig ang, “Wow, bibili rin ako niyan.” Nagiging isang mortal na kasalanan pang bigla ang pag-aasam sa materyal na bagay. Minsan, dumarating pa sa punto na may nagagawa tayong masama dahil sa labis na pagsamba sa tatak. Nawawala na ang ating dignidad dahil sa makamundong pagnanasa. Baka dumating pa nga ang panahon na nagkakaroon ng kanibalismo sa pagitan ng iisang lahi dahil lamang sa impluwensiyang di-makatwiran.
Ang ating bansa ay itinuturing na isa sa third-world countries o pinakamahihirap na bansa sa mundo. Isang ironiya tuloy na maituturing ang pagtangkilik natin sa mga produktong inaangkat pa mula sa milyon-milyang layong mga bansa. Kasabay ng pagkakalibing kay dating-Pangulong Carlos P. Garcia ang pagbaon natin sa patakarang “Pilipino muna”. Hayagan ang resulta nito sa makabagong henerasyon: Makukulay na Konyo at Inggliserong palaka.
Totoong hindi maiiwasan ang globalisasyon sa isang bansang lubusang naimpluwensiyahan ng liberalisasyon at neoklasismo. Hindi mapipigilan ang globalisasyon sa bansang naghahangad na mabaliktad ang tatsulok ng makamundong estado. Ngunit sa isang nakakandadong kaisipan ay may isang natatanging susi: Hindi lamang ako o ikaw kundi tayong mga tumatangkilik ay may magagawa upang mapabagal ang paglunok sa atin ng branded na mundo. Hindi naman ibig sabihin nito nito na ihinto natin ang pagtangkilik sa mga imported na produkto kundi limitahan lamang natin ang ating sarili. ‘Ika nga nila, “lahat ng labis ay masama.” Isaisip natin ang praktikalidad sa mga bagay na kinokonsumo natin. Nagrereklamo tayong tumataas at hindi makatarungan ang sinisingil sa atin ng Meralco o Nawasa ngunit hindi tayo nagrereklamo kung bakit higit limandaang piso ang isang dosenang doughnuts sa Krispy Kreme. Nagugulat tayong nagmahal ng singkwenta sentimos ang presyo ng krudo ngunit tinatangkilik naman natin ang kapeng tigda-dalawandaang piso. Pilipinas ang bansa natin kaya’t nararapat lang na produktong galing sa ‘Pinas ang ating gamitin at bilhin.
Hindi pa rin naman huli ang lahat.
No comments:
Post a Comment