Ang Walang Lokohan! ay unang nailathala sa Ang Pamantasan: The Official Student Publication of the Pamantasan gn Lungsod ng Maynila
-----------------------------------
Mas matalino at mapanuri na ang mga tao ngayon. Parang awa niyo na, walang lokohan. Kung manloloko man kayo, ‘wag kayong magpapahalata.
Uso ngayon ang pabanguhan sa gobyerno. Ang kaso, hindi Victoria’s Secret ang ginagamit nila kaya labis pa rin ang pag-alingasaw ng kanilang mga baho. Ang problema kasi, ginagawa nilang mangmang ang kapwa nila Pilipino.
Unahin na natin ang ating mahal na pangulo. Nitong Setyembre 20 lamang, ginanap ang Open Government Summit sa America at naimbitahan nga si PNoy upang magtalumpati sa harap ng ilang lider ng iba’t-ibang bansa. D’yusko naman. Kung ang mga dayuhan ay naloko mo, hindi kaming mga matatalinong Pilipino.
Matatandaan sa aking nakaraang kolum na pinamagatang FYI, FOI!, ang gobyerno ay masasabing bukas sa kanyang mga nasasakupan kung mayroong batas na magbibigay karapatan sa tao na usigin ang pamahalaan, at ito nga ang Freedom of Information Bill. Ngayon, paano magkakaroon ng karapatan ang isang bansa na magsalita sa harap ng ilan pang mga bansa kung ito mismo ay takot magkaroon ng bukas na pamahalaan? Sapat na ba ang platapormang anti-corruption para masabing bukas ang gobyerno? Para sa gobyerno, ipasa niyo muna ang Freedom of Information Bill at kahit magsalita pa kayo sa lahat ng bansa sa mundo. Hindi niyo kami maloloko.
Malaki ang naging pinsala ng kamaynilaan sa hagupit ng malupit na bagyong Pedring. Maraming lugar sa Kalakhang Maynila ang nalubog sa baha, nasira ang ari-arian, pati ang mga likas na yaman. Naitampok pa sa radyo, telebisyon at peryodiko ang sinapit ng Manila Bay dala ng paghampas ng malalaking alon. Nakakalungkot. Pero ayon nga sa mga pulitiko at mga papoging pinuno, ang kalungkutan ng karamihan ay kanilang kasiyahan. Siyempre, opportunity ito para makapagpabango sila sa inaakala nilang mga tangang tao.
At totoo ngang pagkakataon ito para sa Department of Public Works and Highways (DPWH). Tatlo sa mga kawani ng nasabing kagawaran (na hindi ko na pinag-abalahang hanapin ang pangalan dahil hindi naman sila mahalaga) ang pumunta sa Manila Bay upang makita ang pinsalang inabot ng baybayin sa kamay ni Pedring. Nag-post ang DPWH sa kanilang Facebook page ng isang larawan ng tatlong kawaning ito habang nag-iisip at nag-uusap. Naging ugat ito ng katuwaan sa cyber medium gamit ang iba’t-ibang social networking sites dahil napag-alamang photoshopped lamang pala ang litratong ito. Makikita ang iba’t-ibang punto ng mga eksperto sa Photoshop kung paano ito ginawa. Ilang mga bersyon pa nito ang lumabas na gawa naman ng mga bloggers at mga taong may pakialam.
Nabwisit ako nang malaman ko ang balitang ito. Sabi ng iba, ayos lang daw sana kung maayos ang pagkakagawa, iyong tipong walang makakaalam dahil hindi mahahalata. Ang akin naman, walang ayos sa ganitong gawain. Hindi ako ganoon ka-eksperto sa paggamit ng editing medium pero alam ko kung niloloko ako ng mga nakikita ko. Ayokong isipin ngunit ito ang lumalabas na katotohanan, na nais nilang magpabango ng pangalan sa madla. Kung para saan, hindi ko alam. Mas pumangit ang pangalan ng kanilang kagawaran dahil sa ginawa nilang ito.
Isa ito sa maling kaisipang naikintal sa mga Pilipino. Inaakala ng mga lider sa ating bansa na tatanga-tanga tayo kaya’t tayo’y kanilang minamaliit. Sa ginagawa ng pamahalaan sa ating bansa, pinatunayan nilang kulang pa ang integridad at transparency ng gobyerno.
Sa ginawang ito ng DPWH, hindi ba masasabing ito ay utak wang-wang? Sa ginawa ni PNoy, hindi ba masasabing ang ating pangulo ay ‘may masabi lang?’
Parang awa niyo na, last niyo na yan, ha?
‘Wag niyo kaming gawing tanga.
No comments:
Post a Comment