Sa mahal
naming mga Pilipino,
Hindi
madali ang mundong aming tinahak. Minsan kami mismo ay napapaisip kung tama ba
ang napili naming propesyon, o bokasyon. Maaari naman kaming maging mabuting
tao sa ibang paraan – pwedeng maging pilontropo, o guro, o simpleng tao. Pero
pinili namin ang mapabilang sa kung saan kami naroroon ngayon, hindi dahil
gusto naming maging bayani, kundi dahil nais naming maging tao – tao na handang
ibuwis ang lahat: pamilya, kaibigan, kaligayahan, sariling buhay.
Pero
kagaya ng pagiging tao, mayroon rin kaming kahinaan. Mga kahinaang kami lang sa
grupo ang nakakaalam sapagkat ang aming imahe sa karamihan ay macho, brusko,
kinatatakutan. Hindi kami maaaring magpakita ng kaunting takot, sapagkat sa
aming tapang nakasalalay ang kahihinatnan ng bawat operasyon, ng bawat
engkwentro. Hindi kami maaaring panghinaan ng loob sapagkat sa aming katatagan
umaasa ang hinaharap ng bayan.
Madalas
ikinukubli namin ang takot, lungkot, at pangamba sa aming mga uniporme, o
iniiwan sa kampo, o binabaon sa kanto ng sintido para magampanan ang tungkuling
aming sinumpaan: To serve and Protect. Para
sa amin, mas mahalaga ang maipagtanggol ang ating bayan mula sa mga nais sumira
ng kaayusan at kapayapaan.
Napakaraming
sakripisyo ng aming trabaho, pero hindi namin ito alintana, mapagsilbihan
lamang kayo. Kung ang halaga ng pagpapanatili ng kapayapaan para sa kasalukuyan
at kinabukasan ay ang aming buhay, walang pag-aatubili naming ibubuwis ito.
Hindi
kami ang una, hindi rin namin sigurado kung kami na ang huling mawawala mula sa
isang engkwentro. Hindi namin sigurado kung saan patungo ang prosesong
pangkapayapaan lalo pa ngayong nangyari ang isang madugong sagupaan sa pagitan namin
at ng mga dapat sana’y aming mga kakampi mula doon sa sulok ng Mamasapano sa
Maguindanao. Hindi namin alam kung karapat-dapat ba ang aming pagkawala gayong
napakaraming tanong at agam-agam.
Gayunpaman,
salamat sa pagturing sa amin bilang mga bagong bayani. Salamat sa medalya at plake
ng katapangan na inyong ibinigay sa bawat isa sa aming miyembro ng binansagang “Fallen
44.” Pero ngayong wala na kami, at may naiwan kaming pamilya at
responsibilidad, nawa’y mapakinggan ninyo ang aming mga munting kahilingan.
Sana
ay mabigyan ng hustisya ang aming pagsasakripisyo, sapagkat wala nang mas
sasakit pa sa isang kamatayang napakalabo (o walang) ng dahilan. Sana ay
mapabilis ang paghahanap ng buong katotohanan, dahil mas nahihirapan ang aming pamilya
na magpatuloy sa buhay nang hindi nakakamit ang inaasam nilang hustisya sa
likod ng madugong bakbakan.
Sa
aming asawa at mga pamilya, sana ay lagi ninyong ikwento ang aming istorya sa
ating mga anak at magiging anak, sa aming mga kapatid, at sa mga susunod na
henerasyon. Lagi ninyong ikwento ang kagandahan ng buhay na inilaan para sa bayan.
Ituro ninyo sa kanila ang tamang uri ng pag-ibig – ang pag-ibig na hindi lamang
para sa sarili kundi para sa nakararami; ang pag-ibig na kayang ibigay ang
lahat para sa pangarap. ‘Wag sana ninyo kaming ibaon sa limot, sapagkat kung
may mas masakit sa kamatayan, ito ay ang makalimutan.
Sa
aming mga kadre, mga kapwa nagseserbisyo para sa bansa, sana ay huwag kayong
matakot magpatuloy. Sana ay huwag kayong panghinaan ng loob na gawin ang inyong
sinumpaang tungkulin, gaano man ka-delikado o kawalang kasiguruhan ang ating gingawa
para sa bayan. Sa aming pagkawala, hindi namin alam kung makakamit ba ang
kapayapaang ating inaasam, o kung mahuhuli ba ang mga may kasalanan sa batas,
pero alam naming namatay kaming lumalaban. Serve
and Protect lang, mga tropa.
Sa
kabataan, sana ay huwag kayong matakot na tahakin ang landas tungo sa magandang
bukas. Gumawa kayo ng mga bagay na may kabuluhan, sa paanong paraan man na
inyong makakayanan. Sana ay tulungan ninyo ang aming hanay sa paggawa ng
pagbabago, sapagkat hindi namin ito mararating kung kami lamang. Kailangan namin
ng tulong ninyo, bilang mga taong punong-puno ng ideyalismo at pangarap. Samahan
ninyo kami sa aming paglalakbay tungo sa mapayapang Pilipinas.
Sa
sambayanan, sana ay maging mabuti kayong halimbawa sa mga susunod pang
henerasyon. Tama na ang sisihan, panahon na para gumawa ng paraan. Patunayan
ninyong hindi sayang ang aming buhay sa pamamagitan ng pagpapatuloy sa aming
nasimulan. Sana ay magkaisa kayong lahat sa hangaring maayos ang ating
sambayan. Isa lang ang Pilipinas, kaya’t sana’y magkaisa ang mga Pilipino –
walang babae o lalaki, walang buo o kalahati, walang Muslim o Kristiyano.
Hindi
kami ang unang nagsakripisyo, ngunit sana, kami na ang huli.
Sana.
Para
sa bayan,
#Fallen44