Saturday, July 16, 2011

Cinemalaya: Ang Babae Sa Septic Tank

Ang Babae sa Septic Tank ay pinagbibidahan ni Eugene Domingo, Kean Cipriano, JM de Guzman at Cai Cortez. Ito ay isang pelikulang paluluhain ka sa tawa, papatayin ka sa sigaw at bubuhayin ang iyong patay na sistema patungkol sa realidad ng buhay.

Ang pelikulang Septic Tank ay nagsimula sa narration ng ilan sa sequences ng manuskrito ni Direk Rainier (Kean). Mula rito ay dumako ang eksena sa pre-prod sa Starbucks, courtesy call mula sa lead actress na si Eugene Domingo hanggang sa pagbisita sa Payatas na kanilang setting. Kasama niya rito ang kanyang producer na si Bingbong (JM) at Prod Assistant na si Jocelyn (Cai).


Maganda ang direksyon at panulat ng pelikula. Masasabing kakaiba ang 'vision' ng manunulat sa kanyang script sapagkat lumabas ito sa kahon ng kumbensyon ng panulat. Ang direksyon ay tamang-tama sa timpla. Walang labis, walang kulang.

Nagustuhan ko ang konsepto ng pagiiba-iba ng genres ng pelikula. Mula sa indie-style hanggang sa mainstream movie style hanggang sa vintage Filipino. Nahaluan rin ng musical ang pelikula na siyang nagdagdag ng tamis sa kabuuan ng Septic Tank. Nagustuhan ko rin ang konsepto ng 'pelikula sa loob ng pelikula'.

Sa aking pagpapalalim sa pelikulang ito, masasabing ang Septic Tank ay naiiba sapagkat pinili nitong maging kakaiba. Oo, ito ay pelikulang tungkol sa kung paano natin aabutin ang ating pangarap ngunit sa kailaliman ay patungkol pa rin ito sa hinaing ng karamihan sa maling sistema ng pamahalaan. Ipinakita rito kung gaano kalala ang komersiyalisasyon sa pelikulang Pilipino, na isa sa matinding dahilan kung bakit karamihan sa mainstream movies ngayon ay patapon. Ipinakita rin dito kung gaano kahirap magkaroon ng wala, kung paano kumapit sa patalim ang mga magulang upang matustusan ang pangangailangan ng bawat kasapi ng pamilya. Mula sa perspektibong indipendiente ng pelikula ay namulat ang aking mga mata sa kung ano ang kinakaharap nating kahirapan sa ngayon-- at kung gaano tayong nagiging manhid sa mga kalunusan ng bansa.

Ang pelikulang Septic Tank ay para sa lahat ng nais matawa, nais mamulat, at nais magkaroon ng dahilan upang lumusong sa tae.

At lalong para kay Madonna.




PS. Maaari mo pang mapanood ang Babae Sa Septic Tank sa CCP Theaters at Greenbelt Cinemas.

No comments:

Post a Comment