Tuesday, July 26, 2011

Cinemalaya: Busong

Busong Poster during the Director's Fortnight in Cannes Film Fest
Bago ang lahat, nais kong sabihin na para sa akin, ang poster ng Busong ang pinakamagandang poster sa lahat.

Ano ang epekto ng modernisasyon sa isang mundong umiikot sa pagmamahal sa kultura? Hanggang saan ang iyong makakayang gawin upang mapanatili ang kulturang iyong kinagisnan? Totoo bang lahat ay may busong? At ano na nga ba ang Palawan sa kasalukuyan?



Iyan ang mga tanong na binigyang kasagutan ni G. Auraeus Solito sa kanyang pangarap na pelikula, ang Busong.

Ipinakita ng Busong ang kagandahan ng Palawan, ang yaman ng kulturang Palawanon at ang pagmamahal ng mga ito sa kanilang kultura. Ito rin ang mga sangkap na naging dahilan kung bakit naiiba ang Busong sa naganap na patimpalak.

Habang pinu-promote ng pelikula ang ganda ng Palawan ay umiikot ang istorya sa paghahanap ni Punay (Alessandra de Rossi) kasama ang kanyang kapatid sa lunas sa karamdaman ng una. Sa kanilang paglalakbay ay nakatagpo sila ng apat na Palawanon na may tangang iba't-ibang istorya ng paghihinagpis, pasakit at pagkamulat.

Ang unang istorya ay tungkol sa isang lalaki na pumutol ng puno gamit ang chainsaw (tsinsu). Ang kanyang asawa ay tumawag ng shaman upang mailigtas ang kanyang kabiyak ngunit hindi nagtagumpay ang lalaki sa laban para sa kanyang buhay. Ang ikalawang kuwento naman ay patungkol sa isang ama na nawalan ng anak sa gitna ng dagat matapos matapakan ang isang stone fish na siyang pinaniniwalaang mapanganib at nagdadala ng busong. Ang ikatlong istorya ay tungkol sa isang pamilya na tinulungan ng isang banyaga (na may dugong Palawan) upang dalhin ang kanilang may sakit na anak sa klinika. Matapos nito, gumaling ang kanilang anak ngunit makalipas ang ilang taon, nang magbalik ang banyaga sa lugar, nalaman niyang patay na ang buong pamilya. Ang pang-apat na istorya ay ang kay Punay mismo, kung saan nagkaroon ng kuneksyon ang lahat ng kuwentong ito. Nagkaroon siya ng interaksyon sa babae sa unang kuwento, sa lalaki sa ikalawa at sa banyaga sa ikatlo na sa huli ay naging isang shaman na siyang nagpagaling kay Punay.

Isa sa nakakalungkot na scenario sa pelikula ay ang pagiging dominante ng mga industriyang dala ng teknolohiya na siyang sumira sa magandang histura ng Palawan. Dahil rin sa industriyalisasyon kaya nakikipaglaban ang mga Palawanon upang hindi mamatay ang kanilang mayaman at hitik na kultura. Ayon nga kay Punay sa pelikula, "Ang bundok ay parang ako, sugatan."


Labis na nakakagulo ng isip ang istorya ng Busong. Ayon nga mismo sa direktor, mas marami kang madidiskubre sa pelikula kung papanoorin mo itong muli-- mga bagay na hindi mo na-appreciate nung una mong napanood. Kakaiba ang pagwawakas ng bawat istorya, kahit ang pagsisimula nito. Hindi mo mahuhulaan basta-basta ang susunod at totoong hindi mo maiintindihan kung hindi ka mag-iisip. Bagaman may ilang parte kung saan ang pagganap ng ilang tauhan ay inconsistent, maayos pa rain ang pagkaka-deliver ng mga ito sa kabuuang larawan ng pelikula.

Para sa akin, magaling ang pagkakaganap ni Alessandra de Rossi sa kanyang karakter-- nagampanan ng mabuti ang isang tauhang kahit walang masyadong salita ay nararapat lamang na kakitaan ng pinakamalalim na emosyon-- emosyong magpapakita ng sakit at hapdi at paghihirap.

Masasabing poetic ang pelikula, sapagkat sumasalamin ang buong pelikula sa mga epikong Palawanon. Isa rin itong magandang paraan upang maipromote ang Palawan sa buong mundo. Totoong binusog ng Busong ang mga mata ng manonood sa mga makapigil-hiningang tanawin ng kanyang lupang sinilangan.

Mula sa pagmamahal ni Direk Auraeus sa kanyang kinalakihan ay nabuo ang pelikulang nagpakita ng perpektong imahen ng Palawan at ng kanyang sariling istorya na siya ring istorya ng maraming katulad niya. Mas mapapadali ang pag-intindi sa kuwento nito kung bukas ang iyong isip at puno ng pagmamahal ang iyong puso para sa pagtanggap ng kulturang Palawanon.

Karapat-dapat ang Busong sa mga awards na natanggap nito sapagkat walang kahit anong istorya ang makatatalo sa kuwento ng ating mga katututbo, ng ating mga kapatid.

Si Direk Auraeus noong Cinemalaya 7 Awards Night

No comments:

Post a Comment