Monday, July 25, 2011

Cinemalaya: Isda

"Kung hindi mo kayang mahalin ang anak mo, 'wag mong ipagkait sa akin ang mahalin ko ang anak ko."


Ang Isda, sa direksyon ni Adolf Alix ay sumasalamin sa lalim at tindi ng pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak- anumang mga kuwestiyon ang ipukol dito.




Ang istorya ng pelikula ay hango sa isang pumutok na isyu noong 80's, sa pagkakaroon ni Lina (Cherry Pie Picache) ng anak na marahil ay imposibleng magkaroon ang sinuman- isang isda. Dito nasubukan ni Lina ang mga pagsubok dala ng pagkakaroon ng supling na hindi normal: ang pagkamuhi at di pagtanggap ng kanyang asawa na si Miguel (Bembol Roco na Best Actor) sa kanilang dalawa, ang muntikan nang pagkain ng alaga ni Miguel sa sarili niyang anak, ang hirap ng walang pagtanggap sa lipunan at ang hirap ng kahirapan.

Pinaghalo ng pelikula ang dalawang pangunahing emosyon ng manonood: ang kalungkutan at kasiyahan. Hindi gradwal o magkahiwalay na mararamdaman ang dalawang emosyon na ito. Madalas ay sabay mo silang mapapagana sapagkat matindi ang atake ni Cherry Pie sa role (ngunit hindi overacting, ito ang klase ng pag-arte na mararamdaman mong hindi aktres ang gumaganap kundi isang karaniwang tao sa di-karaniwang sitwasyon), kasabay nito ay ang komedyang dala ng isda na si Miguelito. Bagaman pinatawa tayo ng karamihan sa eksena kasama ang isda, hindi pa rin mahihiwalay rito ang sentimentalidad ng mga pangyayari. Nakakatawang isipin na ang isang ina na may anak na isda ay pupunta sa Luneta para ipasyal ito, piliting ipasok sa Ocean Park para mapasaya ang kanyang anak. Ngunit sa pagitan ng bawat halakhak ay ang realisasyon na ganito ang pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak- na kahit anumang pagtangis at pagtuligsa ay gagawin ang lahat maiparanas, o kahit maiparamdam lamang sa kanyang anak (at sa kanyang sarili) ang normal na buhay.

Isa sa magandang aspeto ng pelikulang ito ay ang pagpaparamdam sa atin sa realidad ng buhay. Marahil ay wala tayo roon upang maramdaman ang naramdaman ni Lina at Miguel habang kumakalahig ng basura ngunit dahil sa magaling na direksyon ay naiparamdam sa atin na hindi purong drama ang pelikula, na lamang pa rin ang pagmumulat sa atin sa realidad kaysa sa pagpapagana ng malikot na imahinasyon.

Hindi sumobra o nagkulang si Cherry Pie sa kanyang pag-arte. Sa katunayan, naiparamdam niya sa atin ang kung anong dapat maramdaman ng kanyang role bilang isang ina na may labis na pagmamahal at pagmamalasakit sa di-karaniwang anak. Gayundin naman ang pagganap ni Bembol Roco sa kanyang role bilang ama. Kahit na kaunti lamang ang linya ng kanyang katauhan sa pelikula ay naramdaman pa rin natin ang presensya ng hinanakit, pagkagulat at sa huli ay pagmamalasakit. Magandang teknik ang ginamit sa direksyon pagdating sa katauhan ni Bembol. Pinokus sa kanyang mukha, lalo na sa kanyang mata ang lente upang ma-capture ang tamang emosyon para sa pelikula.

Bilang wakas, dinala tayo ng Isda sa mundo ng hiwaga habang ikinunekta tayo nito sa realidad ng buhay. Ipinamalas ng pelikula ang pakiramdam ng pagsasabuhay ng isang pabula sa mundo ng kahirapan at supresyon.
Direk Adolf Alix at Cherry Pie Picache ng Isda

No comments:

Post a Comment