Tuldok.
Sino’ng mag-aakalang magkakaroon ng katapusan ang bagay na hindi pa nasisimulan? Paano ba malalaman kung tapos na ito? Dito nga ba nagwawakas ang mga bagay sa mundo o hudyat lamang ito ng panibagong simula? At sino ba ang nakaimbento ng pagmamahal?
“Hindi mabilis mapagod ang puso. Lahat ng sakit, hapdi at pait, kaya nitong tiisin. Kasi mahal mo ‘yung tao at gagawin mo ang lahat para maramdaman niya ito,”
Ito ang sabi sa akin ng aking kaibigan noong mga panahong nagkausap kami nang masinsinan tungkol sa aming mga nararamdaman at ilang mga kwentong katangahan.
“Kaya pala maraming tanga sa mundo, kasi alam na nilang masakit, tinutuloy pa nila. Kahit na sabihin pa nating hindi mabilis mapagod ang puso, napapagod pa rin ito. Kaya nitong magtiis, pero kapag napuno na ang balde ng emosyon at tore ng sama ng loob, hihingalin din ito,” ang sabi ko naman.
Kung hindi naman kasi talaga ipipilit ilagay ang isang bagay sa maling espasyo, wala naman talagang problema. Ang hirap kasi sa mga tao, gusto nilang laging nahihirapan. Ultimo sa pag-ibig, napaka-competitive. Akala kasi ng karamihan, ang pagmamahal ay paligsahan ng paramihan ng naka-date, nakarelasyon at naka-anuhan.
Hindi pala ako ligtas sa talim ng mga salitang lumabas sa bibig ko. Akala ko ay napakatalino ko, pero tama rin pala sila, pantay-pantay ang lahat sa larangan ng pag-ibig. Walang mayaman, mahirap, matalino, bobo, maganda o pangit. Pero mas pinagkaitan ako ng mundo. Bakla kasi ako.
Gaano kahirap? Ganito ‘yan. Magsisimula ang lahat sa pagkakaibigan. Pagkatapos, sa loob ng mahabang panahon ng inyong pagsasama, hindi mo namamalayan na unti-unti na pala niyang sinasakop ang iyong sistema. Gusto mo siyang makasama o makausap araw-araw. Para sa iyo, hindi mahalaga ang oras kapag magka-kwentuhan kayong dalawa. Hindi ka sanay na hindi mo siya nararamdaman. Magagalit ka kapag wala siyang reply sa mga text message at PM mo. Lalo kang mag-aalburoto kapag tumagal pa ito ng halos tatlong araw. Pero lahat ng galit at inis mo ay mawawala kapag nagpadala na siya ng mensahe sa iyo. Iyon lang naman ang hinihintay mo lagi, ‘yung magparamdam lang siya. Mapapasama siya sa iba dahil may mga bagay na naghihiwalay sa inyo. Magtatampo ka, pero wala siyang pakialam. Eh, sino ka nga ba naman kasi sa kanya? Ni wala ka ngang karapatan para magtampo. Ikaw lang naman ang tuma-trato sa kanya bilang espesyal na tao. Dadating ang mga panahong aamin ka sa kanya. Sasabihin mong wala ka nang nararamdamang kakaiba para hindi siya mailang sa iyo. Lilipas ang mga araw, lalong tumataas ang pader na naghihiwalay sa inyong dalawa hanggang sa hindi niyo na makita at maramdaman ang isa’t isa. Titigil ka sa pagpapantasya. Babalik ka sa katotohanang wala palang makararamdam ng pagmamahal mo kasi nga hindi ka babae. Pahihirapan mo ang sarili mo. Hindi ka kakain. Lalanguin mo ang sarili sa ilaw na hatid ng telon. Tatamarin kang mag-aral. Hindi ka na makakita ng dahilan para ituloy pa ang mga nasimulan. Pinakamasakit? Na-realize mong naging tanga ka.
Matalino ako sapagka’t alam ko ang problema kung bakit ako nagkakaganito. Alam ko rin ang solusyon kung paano maibabalik ang ‘ako’ sa dati. Napakatanga ko lang dahil hindi ko kayang gawin ang solusyong naiisip ko. Pakiramdam ko, masasanay na akong nasasaktan at wala ng iba pang bagay na makasusugat sa aking puso na hihigit pa sa sakit na naidulot nito.
Alam kong marami ang may gustong mangyari ito: ang bumalik ang mga magagandang bagay sa kasalukuyan at huwag na itong tapusin pa. Lahat naman tayo, gusto lang sumaya. Kaso, sa paghahanap ng kaligayahan, hindi pwedeng hindi tayo magkasalubong ng problema. ‘Yung iba, hindi na umuusad. ‘Yung iba naman, nagpapalamon na lang sa problema. ‘Yung iba pa, sinosolusyunan ito. Pero ako, dinadagdagan ko.
Halos isang buwan na ang lumipas simula noong nabuo ‘yung mataas na pader na ‘yun. Medyo nasanay na rin akong wala siya. Nabaog na ang sintido kumon ko sa kakaisip ng mga dahilan para sumaya. Pero sinisisi ko pa rin ang sarili ko sa mga nangyari. Kasi sa aking palagay, naging makasarili ako at hindi ko inisip ang mga bagay na maaaring mangyari pagkatapos ng mga bagay na naganap sa buhay niya. Kasalanan ko na naadik ako sa kanya. Problema ko rin na umaasa ako sa mga bagay na wala naman talaga. Alam ko namang wala talagang kahihinatnan ang lahat dahil alam ko ring hindi siya magmamahal ng iba, pero pinilit ko pa rin. Ito na siguro ‘yung nararapat para sa akin. Karapat-dapat ako sa kung anong nararanasan ko ngayon. At least natuto ako.
Hindi ko alam kung tuldok na ba talaga ‘yung ilalagay ko doon. May karapatan rin naman siyang magsabi kung tuldok na nga ba ang ilalagay. Pero kung ako lang rin naman, maglalagay ako ng tuldok, pero hindi isa lang. Gusto ko tatlo. Bukod sa korning dahilan na ayaw kong mag-isa lang siya (baka kasi magaya siya sa akin, malungkot dahil mag-isa), yung tatlong tuldok na ‘yun, mapapabago niya ang lahat. Ibig sabihin, may karugtong pa ang istorya namin. Hindi nga lang alam kung magdadagdag ba ng conflict. Basta ang alam ko, handa akong harapin ang kung ano man ‘yung mga parating kung ellipsis man ang mailagay sa kuwentong ito.
Wala pang bagay na mayroong kongkretong dénouement. ‘Yung pagkamatay ni Bonifacio, hanggang ngayon di pa natutuldukan. Yung naganap na 9/11 Bombing, puro ellipses pa rin. Ummusbong lang yung problema pero hindi pa rin nalalapatan ng lunas. Basta ang mahalaga nasimulan, kung paano matatapos, bahala na si Batman.
Nagpapasalamat na lang ako sa mga nangyari. Masyado na rin sigurong napagod ang puso ko sa mga naganap. Kagaya ng lagi kong sinasabi, may panghihinayang, ngunit walang pagsisisi. Ginusto ko ang mga ginawa ko kaya wala akong dapat pagsisihan.
V, hindi pa naman siguro ito tapos...
No comments:
Post a Comment