Bisyo ng mga Pilipino ang
pagkakape. Pagkagising sa umaga, magmumumog lang, magtitimpla ng kape, bibili
ng pandesal, magbabasa ng diyaryo o makikinig ng mga balita sa radyo, at perpekto
na ang agahan. Pagsapit ng tanghali, kasabay ng tanghalian ang kapeng
kinagigiliwan. Masarap ring kapares ng biko o suman ang kape sa meryenda at
pagsapit ng gabi, kahit bago na lamang matulog, magkakape pa rin. Naging parte
na ng sistemang Pinoy ang inuming ito.
Ngunit
sumapit ang panahon ng bagong henerasyon, may lumutang na namang bagong
kahuhumalingan si Juan dela Cruz. Ang dating di pinapansin, nasa rurok na ng limelight ngayon. Dagdagan lang ng gatas
at kung anong prutas, patok na sa panlasa ng kabataang Pilipino.
Ipinakikilala... ang Milk Tea!
` Nagsimula
sa bansang Hong Kong noong panahon ng pananakop ng Kolonyang Briton, naging
parte ng buhay ng mga tao rito ang pag-inom ng black tea na may halong malabnaw o matamis na gatas at asukal. Simula
nito, hindi na mapigil ang mga residente sa pag-inom ng popular at mainstream na inumin. Ngayon, ang milk tea na ang nangungunang inumin sa
kanilang bansa, na nakapagtala ng 900 milyong basong milk tea na naibenta sa isang taon.
Dala
naman ng mga negosyanteng Tsino sa bansang Pilipinas ang kanilang namana mula
sa pananakop ng ibang bansa, umusbong ang industriya ng tsaa sa bansa,
nagsimula sa ilang maliliit na puwesto sa piling mga lugar, unti-unting
nakilala ang milk teas. Happy Lemon,
Serenitea, Bubble Tea, Chatime, Gong Cha, Bumble Tea, at marami pang iba.
Halos bawat sulok na ng Maynila ay mayroong bilihan ng milk tea. Marami ang tumatangkilik hindi lamang dahil masarap ang
lasa nito kundi dahil na rin sa dala nitong sustansya at benepisyo sa katawan.
Dahil
sa inobasyon, nagkaroon ng iba’t-ibang uri ng milk teas sa pamilihan. Mula sa black tea, ginamit na rin ang
iba’t-ibang uri ng dahon upang magkaroon ng ibang timpla ang nasabing inumin.
Maaari na rin itong haluan ng mga prutas upang mas maging presentable at
kaaya-aya ang pag-inom ng tsaa, lalo na sa mga bata. Kung ang hilig mo naman ay
kape o tsokolate, maaari na rin itong isama sa milk tea ngayon. Yakult ba kamo? Aba, meron na rin niyan ngayon sa
Pilipinas. Ultimong keso at rock salt, isinasama
na ngayon sa tsaa upang magbigay ng tamang timpla at masarap na lasa.
Ayon
sa mga eksperto, ang milk tea ay
nakatutulong sa tamang sirkulasyon ng dugo sa katawan ng tao. Dagdag pa dito,
marami rin itong antioxidants na
nagde-detoxify sa ating katawan. Ang
pag-inom ng tsaa ay nakatutulong rin sa regular na pagbabawas ng dumi sa
katawan sa pamamagitan ng pagdumi at pag-ihi. Bagamat naharap sa isang isyu
noong 1998 at 2001 dahil naging subject sa
ilang analyses, sinasabing
nababawasan ang epekto ng tsaa kapag hinaluan ng gatas, hindi pa rin nabawasan
ang pagtangkilik ng mga tao, particular na ng mga Tsino ang pagkonsumo nito.
Kinalaunan ay nagkaroon ng isang hiwalay na pag-aaral ang ilan sa mga eksperto
na siyang nagpatunay na hindi nababawasan ang epekto ng tsaa kahit na dagdagan
pa ito ng gatas.
Hindi
natin masisisi ang ating mga kababayan sa pagtangkilik nila sa milk teas. Hindi mapipigilan ang
pag-usbong ng popular kultura. Kagaya ng K-pop,
hindi basta-basta mamamatay ang pop
culture na ito, lalo pa’t kakasimula lamang ng pagkaadik ng mga Pilipino
rito.
Hindi
malalaos ang kape bilang pinakapaboritong inumin ng mga Pilipino. Sa katunayan,
hindi lamang ito basta inumin. Isa itong kaibigan. Ngunit sa pag-usbong nga mga
bagong inumin kagaya na lamang ng milk
teas, kailangang maging malikhain rin ang nauna upang hindi ito basta-basta
na lamang mawala sa kompetisyon. Alinpaman, naging parte na ito n gating
sistema. Ang kape, para sa mas naunang henerasyon ng mga Pilipino, habang ang milk teas, para sa makabagong
henerasyon.
No comments:
Post a Comment